Tuesday, March 10, 2015

Praktikal na Mamimili

Dati, mailalarawan ang isang praktikal na mamimili sa ganitong mga katangian: marunong makipagtawaran, may listahan ng mga bibilhin at hindi nagdadala ng sobra-sobrang pera, nagkukumpara ng mga presyo, hindi nagpapadala sa sales talk, at binibili lang kung ano talaga ang kailangan at may totoong pakinabang. Sa kinabibilangan nating panahon na tinatawag na Information Age at Social Age, nadagdagan na ang mga katangian ng praktikal na mamimili. Dahil sa Information Technology at Social Networking, naging mas madali para sa mga tao ang bumuo ng bagong mga idea na pakikinabangan ng mas nakararami, at hindi dapat palampasin ng mga praktikal na mamimili.

Suki Cards
Sa tulong ng computer technology, naging posible ang points system sa market. Noong mas bata pa ako, may mga tindahan sa palengke na nagbibigay ng discount sa mga suki nila. Malaki ang chance mong maka-save kapag malaki rin ang kabuuang halaga ng binili mo o kung may espesyal na okasyon; pero dapat ay matyempuhan mong hindi mainit ang ulo ng may-ari ng tindahan. Pag nasaktuhan mong nagtatalo silang mag-asawa o kasalukuyang pinagagalitan ang tindera, huwag mo nang asahang makaka-discount ka. Better luck next time!

Ngayong nandito na ang mga Suki Card, Discount Card, Freebies Card, mas malaki na ang chance nating makatipid o makalibre. Wala nang kinalaman dito ang mood ng tindera o ng may-ari. Obligado silang sundin ang mechanics ng kanilang programa. Ilan sa mga halimbawa ng ganitong mga programa ay ang SM Advantage, Laking National Loyalty Program, Cebuana Luhillier 24K Plus, MedSavers Discount Card Plus, GeneriKard, Petron Value Card, The Penshoppe Card, Jelexie VIP Card, at marami pang iba. Meron din payment method na may points tulad ng Happyplus ng Jollibee Food Corp. Kung suki ka ng ilang mga tindahan pero hindi mo sinasamantala ang pagkakataong makatipid gamit ang mga programa nila, malaki ang nasasayang mo.

Group Buying
Ang group buying ay isang shopping strategy na nagsimula sa China kung saan ang mga mamimili -- magkakakilala man o hindi -- ay nagkakasundong bilhin nang sabay-sabay (online) ang isang uri ng produkto para makumbinsi ang nagtitinda na ibigay ito sa mas mababang presyo. Hindi nakapagtatakang maisip ito ng mga Tsino dahil alam nila ang pilosopiyang Intsik: maliit na tubo, malaking benta. Ito ang nagpapayaman sa kanila. Hindi nila hahangarin ang malaking tubo kung kaunti naman ang bibili. Mas mahalaga sa kanila ang malaking benta at maraming customer kaysa tubong lugaw. Sa huli, ang lahat ay nakikinabang. Ito rin ang dahilan kung bakit kahit ano pang sabihin tungkol sa mga produktong "Made in China", ito pa rin ang patuloy nating tinatangkilik. Hindi maitatanggi na ang group buying ay isa sa mga pinakapraktikal na paraan ng pamimili.

Dalawa sa mga mas sumisikat na group buying site sa Pilipinas ay ang MetroDeal at Cash Cash Pinoy. Dito ay maaaring mabili sa napakababang presyo ang isang produkto o serbisyo kung mami-meet ng seller ang sapat na bilang ng mga bibili. Halimbawa, kung isang linggo ang buying period, dapat makumpleto ang bilang ng mga buyer sa loob ng pitong araw o mapo-forfeit ang deal. Pero kapag na-meet ang quota, lahat ng buyer ng partikular na produkto o serbisyo ay makikinabang sa malaking discount. Minsan ay mahigit pa sa 50% ang natitipid ng mga bumibili dito. Kung nasa listahan lang din ng "deal of the day" ang binabalak mong bilhin, tama lang na i-consider mo ang pagbili sa pamamagitan ng group buying.

What do you notice so far?
Kasama sa marketing plan ng mahuhusay na negosyante ang pagbibigay ng incentive sa mga customer para sa lalong ikagaganda ng imahe ng kanilang brand at company. Mas mataas ang presyo ng mga branded na produkto at serbisyo dahil malaking bahagi ng ibinabayad ng mga consumer ay nagsisilbing pondo ng kompanya para sa advertisement at allowance para sa incentives na ibinibigay sa mga customer. Ang mga incentive na ito ay maaaring nasa porma ng discount o giveaway. Hindi ito maituturing kalugihan ng kompanya dahil lahat ito ay pinapasan ng mga mamimili. Parang unfair, di ba? Kung sa tingin mo ay lugi ka sa ganitong sistema, may dalawa kang pagpipilian: hayaan mo na lang dahil iyon ang kalakaran o samantalahin mo ang pagkakataon na pakinabangan ang hindi mo kayang baguhin. Sa discounted buying at freebies ay makikinabang ka na kahit paano. Pero hindi mo mababawi sa ganitong paraan ang sobrang pera na sinisingil sa'yo ng malalaking kompanya.

Affiliate Marketing
Sa mga "suki progam" at group buying, ang praktikal na mamimili ay nabibigyan ng pagkakataong makatipid at mas mapalaki ang halaga ng pera. Sa affiliate marketing, hindi lang lumalaki ang halaga ng pera, dumarami din ito. May ilang mga blogger, o social media user tulad mo, na ang gawain lang ay magkwento tungkol sa isang partikular na produkto o serbisyo, at sa personal nilang karanasan o sa mga positibong testimonya na naririnig nila tungkol dito. Sa pamamagitan ng blogging at mga "affiliate program", nagkakaroon ng pagkakataon ang mga end-consumer na makinabang din sa pagbabahagi nila ng kaalaman tungkol sa mga produkto o serbisyo na nasubukan na nila. Kung ikaw yung blogger at isa sa mga bisita o reader mo ay naging interesado at nag-avail ng produkto o serbisyong ikinukwento mo, tatanggap ka ng commission bilang affiliate mula sa seller. Isang beses mo lang isusulat ang tungkol sa personal mong karanasan o sa kaalaman mo tungkol sa partikular na produkto o serbisyo, pero maraming prospect ang makakabasa nito at posibleng bumili dahil sa impormasyon na ibinigay mo. Sa pamamagitan ng isang post ay pwede siyang makinabang nang paulit-ulit dahil lang sa ibinahagi mong kwento. Sa ganitong paraan, hindi ka lang makakatipid sa mga binibili mo, kikita ka rin ng paunti-unti. Meron din ibang program na nagbibigay ng gift vouchers na maaaring ipambili sa isang partikular na online store. Sa ganitong paraan ay mababawi mo ang sobra-sobrang pera na ibinabayad mo, at maaaring higit pa.

Network Marketing
Ang networking ay halos katulad ng affiliate marketing. Tungkol din ito sa pagkukwento ng mga positibong karanasan sa partikular na produkto o serbisyo. Iba-iba ang sistema ng pagbabayad ng mga network marketing company sa kanilang mga customer na nagiging endorser, pero kahit ano pang disenyo o plano ang gamitin, lagi pa rin mas malaki ang potensyal na pakinabang ng mga nagti-take advantage sa ganitong programa kaysa sa affiliate marketing. Iyon ay dahil hindi ito isang gawaing pansarili lang kundi pangmaramihan. Sa ganitong sistema ay mas malaki ang napapakinabang ng mga taong nagmamalasakitan. Ang konsepto ng network marketing ay tulad ng bayanihan: ang tigkakaunting lakas mula sa maraming bilang ng mga tao ay may kakayahang tumapos ng mas malaking gawain kaysa sa kayang gawin ng nag-iisa, gaano man siya kalakas.

Dahil tungkol ito sa pagkukwento sa mga di pa nakakaalam ng produkto o serbisyo, ng oportunidad at ng sistema, kailangan mo rin marinig ang kwento ng ibang marami nang alam para mas marami kang maibahagi. Habang dumarami ang kaalaman mo tungkol sa mga ito, mas nagiging madali para sa nakikinig na maiintindihan ka. Hindi ito mahirap na sistema, nakakapanibago lang para sa mga taong wala pang idea.

Wala itong pinagkaiba sa panonood ng sine at pagkukwento sa mga di pa nakapanood kung gaano mo na-enjoy ang palabas at kung tungkol ito saan. Sa networking, kailangan mo rin pakinggan ang kwento ng iba para mas lalo mong ma-enjoy ang karanasan mo at mas marami ka rin maikwento. Kapag nanood din ng sine ang kaibigan mo dahil sa maganda mong kwento, isang maliit na bahagi ng ibinayad niya para sa ticket ay ibibigay sa'yo ng sinehan. At kung ikwento niya rin iyon sa iba, at may manood dahil sa kanya, pasasalamatan ka ulit ng sinehan sa pamamagitan ng pagbibigay ng isa pang maliit na bahagi ng kanilang kinita. Depende sa sistema ng kompanya, posibleng maging panghabambuhay na ang pagbabayad sa'yo para lang sa isang tao na tumangkilik ng produkto o serbisyo na ibinahagi mo.

Sa huli, ang purpose lang naman talaga ng network marketing ay gawing advocate ang lahat ng customer para mas bumilis ang growth ng kompanya, at ang pondong nakalaan sa pag-promote ng mga brand ay bumalik din sa mga customer sa halip na mapunta lang sa advertising companies, celebrity endorsers, at media entities. Ito ang pinakaparehas na sistema na nagbibigay ng pagkakataon sa masisipag na consumer, hindi lang para mabawi ang sobra sa kanilang mga ibinayad kundi para kumita nang higit pang mas malaki kaysa sa perang ipinambibili nila.

Ang sinumang nakaaalam na may ganitong mga oportunidad na umiiral, pero binabalewala lang ito, ay walang dahilan para sabihing hindi siya nabigyan ng pagkakataong mapabuti ang kanyang pinansyal na katayuan. Isa ang Pilipinas sa may pinakamaraming oportunidad para umunlad, anupa't hindi lumilipas ang isang buwan na hindi nadadagdagan ang bilang ng mga milyonaryo sa bansa. Hindi ito dahil magagaling na negosyante sila o may matataas silang pinag-aralan. Sinasamantala lang nila ang mga pagkakataong para maging praktikal na mamimili.

1 comment: