Saturday, December 21, 2013

Paano sila sa bahay?

Nasa BDO ako nung isang araw para mag-withdraw at magbayad ng binili kong item online. Habang nakapila, minamasdan ko ang mga empleyado ng bangko. Pinapakiramdaman ko rin ang ambiance. Kumportable ang lahat sa lamig ng aircon. Ang mga nagtatrabaho ay nakapostura at kagalang-galang ang attire. Bagay na bagay ang kanilang kasuotan sa dami ng perang hinahawakan nila.

Pero hindi ko matagal na-enjoy ang nakikita ko. Agad kong naisip, paano sila sa bahay? Lahat kaya sila ay may disenteng electric fan na talagang nakakapawi ng init? Kasing-ayos din kaya silang manamit? Kumportable kaya ang pagkilos nila sa bahay, at maging ang pagtulog? Hindi ko maiwasang maisip ang ganun dahil marami na rin akong nakitang mga manager at mga staff na maayos lang tingnan dahil sa uniform pero ang totoo e problemado dahil hindi sapat ang kita. Ni hindi mabili ang lahat ng kailangan dahil kulang ang budget.

Ito ang katotohanan ng karamihan sa mga empleyado. Iba ang imahe sa trabaho at iba sa bahay. Sa trabaho, may panggastos sa fastfood, pagdating sa bahay, "pwede na yan" ang pagkain. Todo porma sa trabaho, longga ang mga damit sa bahay. May mga nagsasabi pang mas gusto nila yung mga damit na manipis na at halos mukhang basahan -- o masahol pa sa matinong pamunas -- dahil presko daw. Pwede ka rin naman magkaroon ng presko at maayos na damit. Hindi naman magkasalungat ang pagiging presentable at ang pagiging presko, di ba? Minsan ay hindi natin napapansin na gumagawa na lang tayo ng justification sa sitwasyon natin para lang hindi natin aminin sa sarili na hindi sapat ang pantugon natin sa ating mga pangangailangan.

Ito pa ang ilang halimbawa. Matagal nang dapat bunutin o ipaayos ang ngipin pero hanggang ngayon, wala pang ginagawa, kasi nanghihinayang sa gagastusin. Gustong magbawas ng taba, pero hindi na muna kasi "mahal". Nagkakasakit na dahil sa kakulangan sa sustansya ng prutas at gulay, walang magawa, kasi sapat lang sa main meals. Nasira ang computer, standby muna, wala pang budget para sa repair. Bibili ng software o mga audio/video discs, pirated, yun lang kasi ang kaya. Stressed na sa itsura ng buhok pero hindi maalagaan, saka na lang pag may bonus na.

Sinasabi ng mga eksperto na ang mga pagbabagong dini-delay natin ay umuubos sa ating lakas. Tuwing makikita mo ang itsura mo sa salamin at hindi ka kuntento dito pero wala kang magawa, dumadagdag ito sa stress mo kahit na hindi ka aware. Kapag nakikita mong makalat sa bahay pero hindi mo malinis dahil wala ka pa sa mood, kinokonsumo nito ang energy mo. Kapag alam mong meron kang "dapat" bilihin o i-avail na service pero ipinagpapaliban mo dahil sakto lang ang budget, dini-drain nito ang lakas mo. Simple lang ang dahilan: hindi tumitigil ang isip (subconscious mind) sa paghahanap ng paraan para mailagay sa tamang balanse ang lahat. Kapag alam nitong mayroong hindi tama, hindi ito mapakali hanggang hindi naaayos ang lahat. Kumbaga sa computer program, it's working on the background. Kumokonsumo ito ng maraming resources. Naapektuhan nito, sa hindi magandang paraan, ang foreground performance o yung "nakikitang ginagawa". Kapag hindi kaya ng utak, isa-isang magpo-"forced close" ang mga current process.

Ano ang solusyon dito? Be expandable and provide more than enough resources. We don't want our subconscious to take too much stress caused by long overdue changes that we should have made.

Gusto ko lang i-share bilang panghuli. Habang nasa BDO pa rin ako at nakapila, may dalawang kabataang lalaki ang nasa harapan ng isang teller. Sa pag-itan nilang tatlo ay nakalatag ang mga bundle ng pera na sa tingin ko ay hindi bababa sa P500,000 at hindi rin malayo sa isang milyong piso (pisong coin ang naiisip mo, noh?). Naka-basketball shorts and sando lang yung may dalang backpack, pero sa kilos niya e parang siya yung may-ari nung perang inilalagay niya sa bag. Yung kasama niya naman ay naka-jeans at may suot na Jamaican hat. Paano kung doon nga sa naka-bag yung perang dala niya, sino sa palagay mo ang titingnan ng may paghanga at mas may pagalang, yung naka-formal attire o yung naka-basketball uniform? Kung marami akong kilalang mga empleyadong laging kapos kahit na mukhang maalwan ang porma, marami din akong kilalang mga milyonaryo pero casual lang manamit dahil nagmula sila, hindi lang sa kakapusan kundi sa totoong kahirapan. Ang tanong na "paano sila sa bahay" ay hindi lang tumutukoy sa itsura ng mga empleyado kapag nasa bahay kundi sa totoong kalagayan ng buhay nila sa likod ng company uniform o ng pormang pantrabaho.

May mga magsasabing, "Ganun talaga!" Nasanay na tayo na yun ang "normal". Pero yun nga ba ang normal?