Friday, March 11, 2011

Mas Mahirap Daw

Madalas kong marinig ang linyang, "Mahirap ang buhay ngayon," na madalas ko rin naman sinasagot ng tanong na, "Kailan ba naging madali ang buhay?"

Teka, isipin ko...ang tinutukoy kaya nilang mas madaling buhay ay noong panahon nina Adan at Eba kung saan namimitas lang sila ng kakainin? Mukhang mas maginhawa nga yun. Pero ipinapakita pa rin ng ganung larawan na ang tao ay nakatakda sa paggawa. Maaaring hindi nga sila ang nagtanim ng mga puno pero kailangan pa rin nilang mag-ani bago ito pakinabangan. Kung may Juan Tamad na sa panahong iyon, sa palagay mo ba ay sasabihin niyang kumportable ang buhay? Hindi. Sasabihin niyang mahirap ang buhay dahil kailangan mo pang tumayo, iangat ang kamay, at gumamit ng lakas bago ka makakain. Nakikita mo ba ang tinutuntun ko?

Sabi ng ilang matatanda, mas madali daw ang buhay noon dahil mura ang mga bilihin at minsan ay pwede ka pang humingi ng mga pananim ng kapitbahay o mamulot sa kakahuyan. Pero kung ikukumpara ang sitwasyon ng mga lolo at lola natin sa sitwasyon ng buhay nina Adan at Eba, sasabihin ba nating madali ang buhay? Hindi. Dahil kahit gaano kamura ang mga bilihin noon, bibili ka pa rin. Ibig sabihin, kailangan mong magtrabaho para magkapera at makabili ng kakainin.

Ngayon, bakit natin nasasabing mahirap ang buhay? Dahil ikinukumpara natin ito sa ginhawa ng unang panahon. Pero kung nabuhay ka sa panahong iyon, sasabihin mo bang madali ang buhay? Hindi. Simple lang ang dahilan: gusto natin lagi ng mas madali. Ikinukumpara natin ang kasalukuyan sa nakaraan dahil gusto nating malarawan ang "mas madaling buhay" at makaramdam ng ginhawa kahit sa imahinasyon lang, pero kahit saang panahon tayo ilagay, kung ganito tayo mag-isip, hindi natin kailanman matatagpuan ang kapahingahan -- ang sarap at saya ng buhay.

Ito ngayon ang isipin mo, alin ang mas madali at kumportable: ang mag-aral sa ilalim ng bubong na may pantay na upuan o mag-aral sa ilalim ng puno na lupa ang upuan? Ang bumyahe sa ibang bansa sa loob ng isang oras o bumyahe sa loob ng ilang buwan o taon? Ang magpadala ng sulat o maikling mensahe sa loob ng isa hanggang tatlong segundo o maghintay ng isa hanggang tatlong buwan o higit pa sa pagdating ng mensahero? Ang makabaliita sa TV tungkol sa mga nangyayari sa lugar kung saan mayroon kang mga kamag-anak o maghintay na puno ng takot at pag-aalala kung may makakapaghatid nga sa iyo ng balita?

Sa totoong buhay, alam mo man o hindi, ngayon ang panahon kung kailan ang isang mahirap ay may mga oportunidad na yumaman sa pinakamabilis na paraan sa kasaysayan ng tao. Ngayon din ang panahon na pinakamabilis ang pag-unlad ng teknolohiya. Sa loob lang ng isang araw, sa loob ng iyong kwarto, ay posible mo nang maikot ang buong mundo at makakilala ng mga tao sa iba't ibang bansa. Mas maraming kakilala, mas maraming koneksyon (hindi sa negatibong kahulugan), mas maraming oportunidad, mas malaki ang potensyal, at mas produktibo -- yun ay kung alam mo kung paano. Pero kahit ano pa ang ihain, laging may mga taong magsasabi na mahirap ang buhay ngayon.

Nagbungkal ka ba muna ng lupa, nag-araro, nagtanim, naghintay, nag-ani, nagbayo, at nagbuhat bago ka nakakain? At kung ito man ang gawain mo ngayon, may pagkakaiba ba ito sa noon? Hindi ba't ang pagbubungkal ng lupa ngayon ay pagbubungkal din ng lupa noon? May pagkakataon pa nga na higit na mas madali ang proseso ng pagtatanim at pag-aani ngayon kung ikukumpara sa noon. Ibig sabihin, mas madali pa rin ang buhay sa ating panahon -- maliban na lang kung hindi mo gusto ang progreso ng buhay ngayon at gusto mong bumalik sa panahon ng gasera, pamaypay, karwahe, paragos, maburak o maalikabok na daan, karterong nakasakay sa kabayo, kumadrona ng nayon, dahong gamot, at mga bagay na halos hindi mo na maalala dahil nasarapan ka na nang husto sa modernong buhay mo.

Sapat na ang dulot ng mga natural at di-maiiwasang hirap ng buhay, noon man o ngayon, at hindi na natin ito kailangan pang dagdagan sa pamamagitan ng patuloy na pag-iisip at pagsasabing, "Mahirap ang buhay ngayon." Kung may sugat sa tuhod ang anak mo, sasabihin mo ba sa kanyang, "Masakit yan, hindi ka makakalakad"? Hindi. Ang sasabihin mo ay, "Huwag kang matakot, gagaling din yan," dahil yun ang totoo at dahil yun ang magpapagaan ng loob niya. Tayo ay sugatan sa maraming pagkakataon, dahil sa mundong ito, hindi kailanman naging perpekto ang buhay. Kailangan mo pa bang ipagluksa at ipamukha sa sarili ang iyong mga paghihirap? Hindi ba't dapat lang na sabihin mo, "Aahon ako!" dahil ito ang magpapagaan sa loob mo, at dahil nakasalalay sa iyo ang katotohanang ito?