Monday, January 31, 2011

Katamarang Mag-isip

Sa panahong ito kung saan ang lahat ng bagay ay pwedeng madaliin (akala nila), isa sa pinakakinatatamarang gawin ng tao ay ang mag-isip. Ang pag-uulam, halimbawa, ng instant pancit canton o instant mami ay hindi lang laging dahil sa ayaw magluto; madalas din na ito ay dahil ayaw nang mag-isip kung ano ang ihahanda. Ang pag-aapply sa isang trabaho na "malaki" ang sweldo, kahit na kailangan itong gastusan ng malaki din, ay hindi dahil ito lang ang oportunidad na nakikita; madalas, ito rin ay dahil tinatamad nang mag-isip kung paano gagamitin ang pera para mas higit na mapakinabangan.

Aminin man o hindi, halos lahat ng desisyon ng mga tao ngayon ay mayroong epekto ng katamarang mag-isip, sa isa o maraming paraan. Isa sa mga patunay niyan ay ang laganap na kultura ng ng iskeptisismo. Siguro para sa iba, ang salitang "skepticism" ay may pilosopikal na tunog; pero kung tutuusin, isa lamang itong simpleng katamaran -- katamarang mag-isip. Marami sa mga tao ngayon ay iskeptiko nang walang anumang dahilan maliban sa pagiging tamad. Pakunwari silang nagtatanong o nag-iimbestiga, pero ang totoo ay nakahanda na ang kanilang konklusyon (kung matatawag nga yung ganun).

Ganito mag-isip ang mga iskeptiko: Kung talagang mahalaga yan, alam ko na sana; kung hindi ko yan alam, di yan mahalaga. Dalawa sa mga pangkaraniwan nilang reaksyon kapag inihaharap sa kanila ang isang bagong konsepto na hindi nila kayang sakyan ay [1] deretsahang pagtanggi na makinig tulad ng pagsasabing, "Hindi yan totoo," "Mahirap yan," "Kung...e di sana...," "Hindi ako naniniwala," o kaya naman ay [2] pagkukunwari na ang kanilang hindi paniniwala ay bunga ng naunang kaalaman (prior knowledge) tungkol sa konseptong ipiniprisinta, tulad ng pagsasabing, "Ah, alam ko na yan," "Narinig ko na yan," "Yan yung sinasabi ni...," saka susundan ng negatibong komento. Sa ganitong paraan, mapalalabas nila (akala nila) na ang kanilang pagtangging maniwala ay hindi bunga ng ignoransya. Tuso ang ganitong paraan ng pagsagot dahil hindi lamang nito itinatago ang kawalang-alam ng nagsasalita, ipinahihiwatig pa nito na ang nagprisinta ng konsepto ay siyang kulang sa kaalaman.

Ang katamarang mag-isip ang isa sa mga pinakamahirap gamutin na ugali ng tao ngayon. Hindi lang ito personal na bisyo, isa na itong kultura. Kung alin ang mas madali, mas komportable, at mas konbinyente, yun ang tama. Ayaw na nating mag-isip kaya ipinauubaya na lang sa damdamin o sa popular na opinyon ang pagiging wasto at totoo ng isang bagay. Ito ang isa sa malalaking dahilan kung bakit hindi umaangat ang ating buhay. Kung ano ang ginagawa ng marami, yun lang din ang kaya nating gawin. Dahil dito kaya kasama rin tayo ng marami na patuloy na hindi umuunlad.

Saturday, January 22, 2011

Daga Ka Ba?

May nakita ka na bang daga na nakarating sa gusto niyang puntahan habang mabilis siyang tumatakbo sa kanyang kulungang umiikot? Imposibleng mangyari yun!


Ganito rin ang kalagayan ng mga taong umiikot ang buhay sa pagtatrabaho, pamomroblema sa mga bayarin, pagbabayad ng utang, pagkaubos ng pera, pag-utang, at patuloy na pagtatrabaho para makabayad ng utang. Sino ang mga taong ito?

Ayon sa pag-aaral, 90% ng mga Filipino ay nasa ganitong sitwasyon. Bago makakuha ng trabaho, gagastos muna nang malaki. Pag may trabaho na, araw ng sweldo ang iniisip. Bago pa dumating ang araw na iyon, nakaplano na kung gaano kalaking bahagi ng sahod ang ibabayad sa utang at buwanang mga bayarin. Dahil hindi sapat ang allowance para sa 15 araw, mangungutang. Wala pa man natatrabaho, ang susunod na sweldo ay nakatakda nang ibayad sa utang.

Kung isa ka sa mga taong ito na habang nagtatrabaho ay sweldo ang nasa isip, kasama ka rin sa tinatawag na "rat race". Kahit gaano kabilis mo takbuhin ang gusto mong puntahan, hindi ka makararating. Mananatili kang balisa at nag-aalala kung magkano ang tatanggapin mo at paano mo ito pagkakasyahin.

Ang tanong na binabalewala ng karamihan ay ito: "Gusto mo bang manatiling isang daga?"

Bakit, sa palagay mo, may iilang porsyento lang ng mayayamang tao? Dahil sila lang ang nanindigan sa sagot na, "Ayaw kong manatiling isang daga!" Hindi sila nakaalis sa karera ng daga dahil lang sa sipag at tiyaga. Alam nila kung nasaan ang pag-unlad at dun sila pumupunta. Ito ang kaalamang hindi taglay (o ayaw taglayin) ng mas nakararami. Bakit? Dahil hindi ito ang popular. Hindi ito "normal". Hindi ito ang ginagawa ng marami.

Ayon kay Robert Kiyosaki, madalang mangyari na nasosolusyunan ng maraming pera ang mga problema ng tao tungkol sa pera. Ano daw? Nakakadugo ng ilong, di ba? Nasanay tayo sa kaisipan na kapag may problema ka sa pera, ang pagkakaroon ng pera ang solusyon. Kaya naman, mas marami din ang nanatiling mahirap o nakikipagbuno sa kanilang kalagayang pinansyal.

Malibang sundan natin ang mentalidad ng mga matagumpay sa larangang ito, mananatili tayo sa ating kulungan. Magreklamo man tayo hanggang sa ating huling hininga, walang makakatulong sa atin. Hindi ang kawalan ng oportunidad ang bumibilanggo sa atin kundi ang ating kayabangan at katigasan ng ulo. Ayaw nating tanggapin ang anumang bago kung linalabag nito ang ating mga nakasanayan. Gaano man kalalim bumaon ang maling kaisipan sa ating sarili, dapat natin itong bunutin mula sa ugat na parang talahib na pumapatay sa pananim.

Kung isa ka sa mga gustong manatiling daga, ipagpatuloy mo lang. Pero kung gusto mong mabago ang kalagayan mo sa buhay, simulan mong buksan at baguhin ang iyong isipan.
Money is only an idea. If you want more money simply change your thinking.
 Hindi lahat ng itinuro sa atin ay tama; patunay dito ang kalagayan ng karamihan. Huwag nating ipagkamali na ang pagiging propesyonal ay nangangahulugan ng pagiging mayaman. Ang pagkakaroon ng mataas na pinag-aralan ay hindi rin garantiya ng pagiging matagumpay. Hindi ang natutunan sa paaralan ang magtutulak sa atin pataas kundi ang pagiging aral natin sa usaping pinansyal (financial literacy). Panahon na para talikuran ang pagiging daga. Hindi mo kailangan maging mahirap.


Thursday, January 20, 2011

Sino Ang Bayani Mo?

Meron ka bang tinutularan, hinahangaan o gustong gayahin? Kung wala, bakit?

Lahat tayo ay may mga taga-impluwensya. Sa kanila nagmumula ang mga pwersang bumubuo sa hulmahan ng ating pagkatao. Maaaring sila ay ang ating mga magulang, ninong at ninang, mga kamag-anak, at maaari din na mga character sa kwento o sa kasaysayan, o kaya naman ay mga manunulat o tagapayo. Sinuman sila, masasabi mo bang masaya ka ngayon dahil sa impluwensya nila? Natutulungan ka ba nilang umasenso sa bawat aspeto ng iyong buhay?

Madalas, ang mas hilig nating tingnan ay ang mga trahedya sa ating paligid. Dahil dito, wala rin tayong nakikita kundi kawalan ng  pag-asa. Bilang resulta, mas pinipili nating magreklamo para subukang isisi sa iba ang ating sitwasyon at sa ganun ay hindi na natin kailangang magpagod para ayusin ito. Sinasabi ng ilan, "Si ganito o ganyan nga e, ginawa na ang lahat pero ganun pa rin. May mga tao talagang nakatakdang maging mahirap."

Sa halip na tutukan natin ang mga karanasan at mga taong nagpapakita na ang buhay ay hindi natin hawak, hamunin natin ang ating sarili sa pamamagitan ng mga taong nagtatagumpay sa kabila ng pagiging mahirap. Panahon na para palitan mo ang iyong mga bayani kung ang kanilang kasaysayan, kilos, at estado sa buhay ay nagbibigay lang sa iyo ng kawalan ng pag-asa sa halip na inspirasyon at lakas.

Huwag mong tingnan ang mga taong kayod nang kayod pero nananatiling hirap, dahil ang pag-unlad ay hindi makukuha sa pamamagitan lang ng sipag, dapat din ay alam mo ang iyong ginagawa. Sa halip, pagmasdan mo at pag-aralan ang matatagumpay na tao. Huwag mong sabihin, "Magaling kasi sila," o kaya ay "Talagang mayaman na yun noon pa." Sila ang gawin mong personal na bayani kung saan magmumula ang iyong kaalaman at inspirasyon. Alamin mo ang mga prinsipyong sinusunod nila at huwag mong ipagpilitan ang mga negatibo mong pananaw. Tao sila, tao ka rin; at marami sa mga matagumpay na tao ay nagmula sa ibaba -- sa pagiging mahirap, walang pinag-aralan, at nasa mga imposibleng sitwasyon.

Wala kang mapapala mula sa mga maling tao. Piliin mo ang mga tamang bayani; ang mga pwersang huhugis sa iyong isipan at mga pangarap. Layuan mo ang mga taong negatibo dahil mas madali silang makahawa. Ang tunay na bayani ay yung makapagdadala sa iyo sa kabutihan, kasiyahan, at kasaganaan.






Thursday, January 13, 2011

Hindi Mo Kailangang Maging Mahirap

Dahil nakasanayan na ng marami ang kinagisnang mahirap na pamumuhay, hindi na nilang magawang kumilos o mangarap man lang, sa halip ay nagiging kuntento na sa kung anuman ang darating. Panahon na para baguhin natin ang ugaling ito. Hindi dahil mahirap tayo ipinanganak ay kailangan na natin maging mahirap habambuhay. Ang pag-unlad ng ating sarili ay magsisimula pa rin sa atin. Madalas ay parang mailap sa atin ang pagkakataon at wala na tayong magawa kundi tanggapin ang ating "kapalaran".

Siguro nga ay hindi para sa lahat ng tao ang pagyaman, pero hindi rin kailangang maghirap ang sinuman. May magagawa tayo para sa ating sarili at para sa ating kapwa. Kung mag-uumpisa tayong mangarap at maging handa sa kung anuman ang hihingin ng tagumpay, lalabas ang ating mga potensyal. Tayo pa rin ang simula ng ating pag-unlad.